Sa 'di inaasahang tagpo, huminto ang oras
at tila ba tayo'y mga bilanggo na hirap umalpas.
Animo'y nakakulong sa takot at mahirap na landas
at ang tanging daan na walang kasiguraduhan ang pilit binabagtas.
Mahirap mamuhay sa mundong puno ng takot at pangamba.
Hindi madaling magsaya at humanap ng pag-asa
lalo na't walang kasiguraduhan kung bukas kaya mo pa,
Kung bukas, kaya mo pa bang harapin ang pandemya?
Sa kapanglawan na aking nararamdaman,
ang aking pluma ay laging nariyan.
Gamit ang mga alaalang minsan kong naranasan
ay bubuo ng likhang sining na magsasalaysay ng mga kwentong ako lang ang nakakaalam.
Kasabay ng aking pagdungaw sa kalawakan,
kasabay ng aking pagsulyap sa liwanag ng buwan,
susulat ako, susulat ako ng tulang may kariktan
at liwanag habang ako'y nasa kadiliman.
Hawak ko ang aking pluma,
kasama ang mga alaalang minsan kong nadama
at ang pait na dulot ng kasalukuyang pandemya.
Bukas o sa makalawa, aabangan ko ang pagsikat ng bagong umaga.
Comments