GANDA MO
ni Eldrian Louie Manuyag
Ano nga ba itong aking nakikita?
Ako ba’y namamalikmata?
Tunay nga bang ang mga mata ko'y malabo na
o sadyang nabighani lamang sa taglay mong ganda?
Hindi mo marahil ito nalalaman
pero palihim kitang tinitignan.
Hindi mo rin marahil nararamdaman
na palihim akong nahuhulog sa iyong kariktan.
Aking nakikita ang liwanag ng buwan
Nasusulyapan ko rin ang kislap ng mga bituin sa kalangitan,
at nasisilip ko ang ganda ng kalawakan,
sa tuwing aking pinagmamasdan ang iyong kagandahan.
Ako ay napapatulala na lamang
at nagugulmihanan sa aking nararamdaman.
Nakalilito na ang mga bagay na tumatakbo sa aking isipan.
Dagdag pa sa tuwing ang ngiti mo'y aking masusulyapan.
Marami na akong magagandang bagay na napagmasdan.
Marami na ring bagay ang aking nasaksihan.
Ngunit kakaiba ang iyong kagandahan
dahil ito lamang ang gumising sa natutulog kong kasiyahan.
Handa akong maghintay sa hindi mabilang na mga araw.
Handa akong maghintay sa tuwing ang buwan ay papanaw.
Hihiling din ako sa mga dadaang bulalakaw
na darating ang umaga at ang iyong ganda ay muling matatanaw.
Image by <a href="https://pixabay.com/users/pheladiii-21191309/?utm_source=link-attribution&utm_medium=referral&utm_campaign=image&utm_content=8257551">Pheladi Shai</a> from <a href="https://pixabay.com//?utm_source=link-attribution&utm_medium=referral&utm_campaign=image&utm_content=8257551">Pixabay</a>
Комментарии