Minulat ko ang aking mga mata at agad na bumangon mula sa panaginip. Buong siglang naghanda upang pumunta sa paligsahan at para sa pagsasama nating dalawa. Sobrang saya ko talaga kaya bago ako umalis ay kumuha ako ng pulang papel sa aking bag at sumulat ako ng isang mensahe kung sakaling ‘di ko masabi sa’yo ng personal.
Pagkatapos, agad na kong nagpunta sa ating paaralan upang kayo’y kitain. Labis ang aking kagalakan nang makatabi kita sa jeep. ‘Di mo lang alam kung gaano ko gustong yakapin at hagkan ka. Napuno pa nga ng tuksuhan ang ating biyahe dahil sa magkatabi tayo. Batid kasi nilang gusto kita.
Hindi ko namalayan na nandun na pala tayo sa lugar ng paligsahan, dahil marahil sa katabi kita. Gusto ko na sanang iabot ang pulang papel na hawak ko, pero pinanghinaan ako ng loob eh.
“Mamaya ko na lamang ibibigay…” sabi ko.
Tinawag na tayo para pumunta sa kanya-kanyang nating kategorya. hindi man lang ako nakapagsabi ng goodluck sa’yo. Mabilis na natapos ang paligsahan at tayo ngayon ay naghihintay ng anunsyo ng mga panalo. Habang tayo’y naghihintay, ikaw na naman ang katabi at kasama ko. Narinig ko na lamang ang mala-anghel mong boses.
“Tara, libot tayo,” sabi mo.
Nakakahiya dahil sa’yo pa nanggaling pero agad akong sumagot,
“Sige tara…”sagot ko.
Nabuhayan ako dahil ito na ang pagkakataon ko, maibibigay ko na rin ang pulang papel na hawak ko.
Habang tayo’y magkasamang naglalakad at pinagmamasdan ang ganda ng paaraalan, ilang beses kong sinubukang iabot ang papel.
Urong…sulong…urong… sulong…
At sa wakas, naiabot ko na rin bago tayo bumalik. Bigla na lamang lumabas sa aking bibig,
“Te… oh…” abot agad ng papel.
Lalo pang nagpasaya sa akin ay nang makita ko ang ngiti habang binabasa mo ito.
“Itago mo na yan, at baka makita pa nila…” sinabi ko at agad nang bumalik.
Kinabukasan, balik na sa realidad ng paaralan. Wala ng mga ensayo at wala ng pagkakataon para makasama ka nang matagal. Nang nasa T.L.E. na, nakita ko ang lalaking sinasabi nilang sobrang malapit sa’yo. Sabi nga ng iba ay kayo na.
At habang sya’y naglalakad, mayroon syang binabasa. Pamilyar. ‘Di maipagkakaila. Hindi ba’t iyon ang papel na naglalaman ng buong puso ko’t kaluluwa?
Image by Leopictures from Pixabay
Comments