TULA #16: MALING KWENTO (Riandle)
- Eldrian Louie Manuyag
- May 20, 2023
- 2 min read

Image by <a href="https://pixabay.com/users/gdj-1086657/?utm_source=link-attribution&utm_medium=referral&utm_campaign=image&utm_content=7402292">Gordon Johnson</a> from <a href="https://pixabay.com//?utm_source=link-attribution&utm_medium=referral&utm_campaign=image&utm_content=7402292">Pixabay</a>
Sa 'di ko inaasahang panahon at pagkakataon,
darating ang isang tauhan at ako'y mahuhulog sa talon.
Ang takbo ng istorya ay magbabago't panandaliang hihinahon.
Bigla palang magbubukas ang bagong kabanata na sa'kin ay 'di na magpapaahon.
Ang bawat pait, luha at sugat na dala ng naunang kabanata
ay mabilis na napawi at naghilom na lang bigla.
Nagsaboy siya ng liwanag sa bagong istorya
at walang bakas na sa dulo'y mag-iiba.
Nagbukas ang mga bagong pahina ng aking istorya,
bagong tauhan at bagong kwento ang magsisimula.
Ito ang kwentong isinulat gamit ang inaakalang tadhana,
ang kwentong magtatapos na lang bigla.
Gamit ang pluma ng pag-asa, pilit isinulat ang kwento kasabay ang hiling sa mga tala,
Muling aasa sa masayang dulong inaakala.
Mag-aalay pa ng 'di mabilang na mga tula
kahit pa mabaliwala at sa dulo'y lumuha.
Ang bituin palang aking pilit hinihiling
ay iba ang landas na tatahakin.
Ang rosas palang sa'kin ay nagpahumaling
ay napitas na ng iba at dapat kong tanggapin.
Tila maling kwento ang aking napasukan,
at nahulog nang lubos sa maling tauhan.
Ang kwentong masyado kong pinakialaman at inasahan,
ay 'di sa'min kundi sa kanila pala laan.
Panandalian kong nadama ang saya at pag-asa sa kanya
at sa kwentong akala ko ako ang bida.
Panandalian akong napasama
sa kwentong ako pala ang ekstra.
Ang lahat pala'y maling kwento, maling tauhan at maling tagpuan.
Masyadong akong nasabik sa kwentong 'di man lang umabot sa kasukdulan.
Ang tadhana na naman ay ninais akong paglaruan
at umasa sa maling tauhan na inakala kong sa'kin laan.
Paalam sa maling kwentong aking kinahantungan,
sa mga alaalang mananatili na lamang sa'king isipan,
at sa saya't pag-asang minsang kong naramdaman.
Aasa ako... aasahan ko na ang tamang kwento't tauhan ay akin ding mapupuntahan.

Image by <a href="https://pixabay.com/users/clker-free-vector-images-3736/?utm_source=link-attribution&utm_medium=referral&utm_campaign=image&utm_content=175980">Clker-Free-Vector-Images</a> from <a href="https://pixabay.com//?utm_source=link-attribution&utm_medium=referral&utm_campaign=image&utm_content=175980">Pixabay</a>
Comments