Parati akong nahihiwagaan
sa tuwing aking pagmamasdan
ang 'di mabilang na bituin sa kalawakan
na nagbibigay ningning sa sanlibutan.
Paano kaya kung wala sila,
makakaya ba ng buwan ang pag-iisa?
Ano kaya ang tanawing ating makikita,
kung walang kislap ang sa'tin ay magpapasaya?
Gabi-gabi ang aking pagtanaw
sa kakaiba nilang ningning sa ibabaw.
Kahit pa ang langit ay mapanglaw,
ang kislap at ningning nila'y nangingibabaw.
Ngunit, isa lang ang aking gusto
ang bituing 'di makikita sa mga libro
at di na kailangan pa ng teleskopyo.
Ikaw, ikaw ang bituing nais ko.
Batid ko, ano pa man ang aking gawin
ay 'di ko makakayang abutin.
kahit akin pang pilitin,
ay 'di kita kailanman maaangkin.
Tanging pagtanaw at pagsulyap
kasabay ng pagluha ng mga ulap
na kahit pa ang dilim ay laganap,
maghihintay sa ningning ng bituin kong pinapangarap.
Dumilim man ang panahon, pagkaitan man ako ng pagkakataon kahit pa saan ako naroroon, ikaw ang tanging bituin na sa'kin ay magpapahinahon.
Image by <a href="https://pixabay.com/users/finemayer-1749939/?utm_source=link-attribution&utm_medium=referral&utm_campaign=image&utm_content=2028655">Fine Mayer</a> from <a href="https://pixabay.com//?utm_source=link-attribution&utm_medium=referral&utm_campaign=image&utm_content=2028655">Pixabay</a>
Comments