top of page

TULA #10: NAG-IISANG ILAW (Riandle)

Writer's picture: Eldrian Louie ManuyagEldrian Louie Manuyag

Iba ang naramdaman mong galak

no'ng marinig mo ang una kong iyak.

Wala akong muwang noon,

pero nang hagkan mo ko'y, agad akong huminahon.


Sa musmos na tulad ko,

nagsisilbing musika ang tinig mo.

Hindi mo hahayaang ako'y umiyak,

pipigilan mo pang luha ay pumatak.


Ikaw din ang unang nanakit sa'kin, naalala mo ba,

no'ng iwan mo ko sa eskwela nang walang kasama?

Sinanay mo kong kasama ka parati

pagkatapos, ay iiwan mo rin pala ako nang gano'n kadali.


Hindi ko no'n maintindihan,

dahil ako'y lubos na nasaktan.

Dinig mo ang sigaw ko habang lumuluha

pero tumalikod ka lang at lumisan bigla.


Pinapagalitan mo rin ako sa tuwing ako'y maglalaro maghapon,

pinipingot kahit pa kalaro ko'y nandoon.

Ayaw ko nang napapahiya,

pero patuloy ka lang sa pagpapaluha.


Nag-iba ka no'ng nakita mong nadapa ako,

ikaw ang unang umalalay sa sakit na nadama ko.

Agad mo kong pinatahan,

at ang sugat ay iyong hinalikan.

Hindi ko alam kung anong klaseng mahika ang mayroon ka,

at ako'y iyong napapaniwala.

Sa pamamagitan lang ng isang halik,

ang sakit ay hindi na bumalik.

Sa paglipas ng ilang mga taon,

hindi na ako musmos ng nakalipas na panahon.

Ngunit dama ko pa rin ang pag-aaruga mo,

at pagmamahal ng nag-iisa kong ina sa mundo.


Alam kong sa bawat tagumpay na aking nakakamtan,

isinisigaw mo ang mga salitang, "anak ko 'yan!"

Pati na sa lahat ng taong pilit akong ibinababa,

alam kong nariyan ka upang ako'y saluhin at itaas sa kanila.


Kulang ang isang tula at pagbati sa'yo,

para sa lahat ng luha at sakit na itinatago mo.

Walang taong sa'yo ay makapapantay,

dahil ikaw lang ang nag-iisang ilaw sa aking buhay.


0 views0 comments

Recent Posts

See All

コメント


bottom of page